Martes, Disyembre 20, 2011

Kapitalismong Pilipinas

Ano nga ba ang salitang kapitalismo?
Ang Pilipinas ba ay kasapi sa kapitalistang bansa?
Isa ka bang kapitalista?
Kapitalismo isang sistemang pang-ekonomiya na nakabatay sa malayang kalakalan at pagbukas ng komunikasyon. Mga pagpapatunay na ang ating ekonomiya ay kapitalismo, isa na ang bukas at malayang kumunikasyon sa kalagayan ng pangangalakal sa ibang karatig bansa. Kaya marahil sa ating bansang Pilipinas karamihan sa nag mamay-ari ng malalaking negosyo ay mamumuhunang taga-ibang bansa, mapa Tsinoy,  Amerikano atbp. Kung magkaroon man nang isang Juan de la Cruz na kapitalismo na ubod ng tanyag sa negosyo ay di pa rin maikukumpara sa dami ng lahi ng ibang nasyon na namumuhunan sa ating bansa. Karamihan sa mga Pinoy ay pumapasok na lamang sa mga negosyo ng mga ito at kumikita nang tama lang upang makaraos sa pang-araw-araw at kung kapusin ay mangungutang pa. Nakakalungkot isipin na tayong  mga Pinoy ay nagigi na lamang tauhan ng ibang lahing mamumuhunan. Pagkatapos ng araw ay sila lamang ang nagtatamasa ng kabuuang kita na pinagtrabahuhan ng mga namamasukang Pinoy, sabagay meron ren namang sahod ang Pinoy ang kaso sumasapat lamang mas madalas pa ang magkulang. Kaya kung ating papansinin hindi maiitatangi na mas marami ang naghihirap sa ating bansa kesa sa mga nakakariwasa. Marami akong nakikitang mga kadahilanan una na rito ay di pantay na distribusyon ng yaman para sa mga tao sa ating bansa, pangalawa ang patuloy na pagdami nang mga pamilya sa ating bansa na minarapat na lamang mamasukan upang sumweldo at makuntento, kadalasan pa nga mas marami ang walang trabaho kaya naituturing pa ang mga sariling maswerte dahil sa trabaho, pangatlo ay di pagpupursigi nang marami sa ating mga Pinoy na pasukin ang pamumuhunan, pang-apat ay pagtangkilik nang marami sa atin sa prudokto ng ibang lahi at pagbalewala sa produktong yari sa atin, pang-lima ay ang di pag-agapay nang ating Gobyerno para maagapan ang suliraning ito habang may oras pa. Sa aking tingin ay mas dadami at lalala pa ang problema sa kahirapan hanggat di natin binibigyang pansin ang ugat nito. 
Para sa karagdagang kaalaman, Kapitalismo ay nag-ugat sa salitang kapital na may kasing-kahulugan na puhunan. Pag tinawag ang isang bansa na kapitalismo ay maituturing itong mamumuhunang bansa. Malamang ang Pilipinas ay isang maituturing na kapitalistang bansa sapagkat maraming tao ang namumuhunan sa atin para kumita ng pera. Sa katanungang isa ka bang kapitalista, kapitalista ka marahil dahil  nasa bansa tayong kinabibilangan nito samahan pa ng pamumuhunan upang kumita ng pera ay maituturing kang ganap na kapitalista.

Lunes, Disyembre 19, 2011

Bagyong Sendong Ikaw Na

Hindi na bago sa mga Pinoy ang mga bagyong pumapasok sa bansa. Sa dinami-dami ba naman nang dumating na sa atin ilan sa mga ito ay nag-iwan ng marka sa kaisipan ng marami sa lahat. Marahil karamihan sa atin ay may kanya kanya nang kuwento tungkol rito, mula pa sa bibig at labi nang matatanda sa atin at maging sa mga bata na nakaranas nito. Pangit man isipin na sa dinami-dami nang bansa isa tayo sa paboritong daanan ng bagyo at ang kakayahan lang nating gawin ay ang paghandaan na lamang ang panganib na nakaamba sa bawat buhay na maaring kunin nito.
Noong nakaraang araw ika-14 ng Disyembre nagsimulang mamuo ang masamang panahon na si Sendong at ito'y kasalukuyang naglalakbay sa karagatan patungo sa baybayin ng ating bansa. Nang mga sumunod na araw ay tuluyan na itong lumalapit sa kalupaan ng Visayas at Mindanao maging ito rin ang nagdala ng mga pag-ulan sa Luzon. Nagbigay nang babala ang PAG-ASA sa mga lugar na maaring tamaan ng bagyo. Akin itong nalaman sa madalas na panonood sa lagay ng panahon ng ating bansa. Sa aking tingin nang una ay bahagya lamang na epekto ang mararanasan ng mga mamayan na masasalanta ng bagyong Sendong pero kabaliktaran pala ang aking hinagap. Nang mga oras na hinahagupit ng masamang panahon ang lugar ng Cagayan de Oro at Iligan City ang mga lugar na lubhang napinsala, hindi ko lubos mawari na ganito kalakas ang inaakala ko na isang mahina na bagyo. Sanhi ng hangin na sinamahan pa nang malakas na pagbuhos ng ulan ang siyang nagpahirap sa ating mga kababayan. Pagkatapos nang lahat at nagsimula nang magpakita ang liwanag na natakpan ng madilim na ulap ay doon na tumambad ang masamang balita sa sambayan na iniwan ng dumaan na  trahedya. Daan-daang buhay ang ninakaw nito at higit sa milyones ang sinira sa mga ari-arian. Kalunos lunos ang iniwan nito para sa mga kababayan nating nasalanta, nakita ko pa ang mga imahe mula sa bidyo na pinalabas sa telebisyon. Tunay ngang nakaka-awa ang ating mga kababayan na nasalanta, naisip ko pa na  hindi man lang minarapat na sila'y paabutin pa sa nalalapit na araw ng kapaskuhan.
Maraming kuro-kuro ang nagsipaglabasan na sinisisi kung bakit ganon na lang ang pinsala na dinala ng nagdaang bagyo. Ang isa sa mga sinisisi ay pag kaubos ng mga puno sa kabundokan na syang nagdulot nang pag-agos ng maraming tubig sa sambayanan ng sinalantang lugar. Ang ilan ay sa di maayos na pagbibigay babala ng PAG-ASA sa ating kababayan, ang di malinaw na pagpaparating nang impormasyon sa tunay na lakas na dulot ng bagyong darating. Ang ilan ay sanhi na ito nang pagbabago ng panahon o tinatawag na "climate change". Sa aking tingin maging ano man ang naging sanhi nito di pa rin mababago ang katotohanang marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng buhay, nawalan nang tirahan, nawalan ng pamilya na tunay na kahit kailan ay di na maibabalik pa. Ang ating magagawa na lamang sa ngayon ay tumulong sa mga nasalanta at laging maging handa sa mga sakuna na maaring dumating sa atin higit hingin  ang patnubay ng ating Maykapal na tayo'y palaging gabayan at ilayo sa anumang kapahamakan.